Kapitan ng tumaob na barko, posibleng buhay pa
July 2, 2008
Posibleng itinatago umano ng Sulpicio Lines ang Kapitan ng M/V Princess of the Stars.
Ayon kay Vice Pres. Noli de Castro, may mga impormasyong nakarating sa kanya na itinatago umano ng Sulpicio Lines si Capt.Florencio Marimon Sr., at isa pang survivor sa isang safe house.
Naniniwala din si De Castro sa naturang report dahil marami na umanong insidente na nawawala ang Kapitan pagkatapos ng isang trahedya sa karagatan ngunit lumilitaw din pagkalipas ng isang taon.
Ayon sa Philippine Coast Guard, si Marimon ang makapagbibigay linaw kung ano talaga ang nangyari sa naturang pagtaob ng M/V Princess of the Stars noong kasagsagan ng bagyong Frank.
Ayon pa sa PCG, ang pinakahuling impormasyon umano tungkol kay Marimon ay nagpapagaling sa isang ospital sa Romblon. news.UNTVweb.com
Halaga ng piso kontra dolyar, humina
July 2, 2008
Humina ang halaga ng piso kontra dolyar. Nagsara ang palitan sa P45.01 kontra dolyar.
Ito ang pinakamababang antas ng piso na naitala sa loob ng sampung buwan.
Ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ng mga pangunahing bilihin ang nagbunsod umano sa pagsadsad ng halaga ng piso.
Ayon sa mga traders, nakadagdag sa paghina ng halaga ng piso ang paghingi ng umento sa sahod ng ilang mga manggagawa.
Pinangangambahan naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas na dahil dito, tataas na rin ang presyo ng mga kagamitan o goods na may imported raw materials at asahan na rin umano ang lalong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa. news.UNTVweb.com
P12 na pasahe, inihihirit!
July 1, 2008
P4 na pisong dagdag sa minimum fare sa Metro Manila ang isinusulong ng grupong Alliance of Concerned Transport Organization sa LTFRB upang gawing P12 na ang pamasahe.
Ayon sa grupong ACTO, ang nasabing panibagong kahilingan ay bunsod na rin ng hindi maipatupad ng gobyerno na P2 discount sa diesel na ipinangako nito upang makabawas kahit papaano sa bigat ng pinapasan ng mga tsuper.
Ayon pa sa grupo, napagkasunduan ng kanilang samahan na isulong ang P4 na dagdag sa minimum fare dahil tila pinapaasa lamang umano sila ng gobyerno sa mga pangako nitong fuel discounts at rice subsidy at bawiin na lamang ang kanilang fare hike petition na inihain noon.
Nitong nakaraang Sabado lamang ay muling tumaas ang presyo ng langis sa ika-17 beses ngayong taon. news.UNTVweb.com
Posted by
Filed in
